Parating ka na. Kaytagal din kitang hinintay na dumating mula sa matagal mong pagkawala. Oo, aaminin ko, noong una, hindi kita inaalala. Mas pinili ko ang kagandahan ng pagwalalang-bahala sa mga araw na namagitan sa ating dalawa.
Sa susunod na linggo, nakaambang na ang iyong pagdating. Hindi ko lubos maisip na kay bilis ng mga minutong nagdaan. Sa mga minutong hindi ka bahagi ng aking bawat paghinga, hindi ko magawang hindi magsaya. Masakit isiping nasasaktan kita sa mga salitang binibitawan ko ngayon, nguni't ito ang totoo.
Sa iyong pagdating, muli na naman akong hindi ako makakatulog ng mahimbing. Kailangan kong magising ng maaga dahil tiyak na hindi ko mapipigilan ang aking sarili na hindi ka ilagay sa aking isipan. Alam ko na sa mga susunod na buwan na magkakasama tayo, walang magiging puwang sa bawat minuto na ating pupunan.
Pasasayahin mo ako. Lalagyan mo na lungkot ang aking mukha. Pasasabikin mo ako. Lubusan mo akong papagurin. Papatayin mo ako sa parehong tuwa at pagod. Hindi mo hahayaang mablanko ang mga segundong ating haharapin.
Kahit na hindi ko ibig ang iyong pagdating, masaya na rin akong nariyan ka na papalapit sa akin. Para naman matapos na kaagad ang paghihirap ko.
Sana sa panahong ito, mapakita ko sayo na kakayanin ko. Noong una, wala ako halos nagawa para sayo. Hinayaan kong lunurin ako ng aking katamaran at kawalan ng inspirasyon. Inisip ko lang na mamahalin mo rin naman ako kahit na alam mong ganito ako sa'yo. Nguni't nagkamali ako. Hindi mo nakayanang hayaan lang ako. Gusto mong turuan ako ng leksyon. Ginawa mo ang mga bagay na posibleng makapagmulat sa tamad at walang laman kong isipan. Salamat sa'yo dahil itinutulak mo akong gawin ang mga bagay-bagay sa higit na aking makakaya.
Pero, patawarin mo ako na kahit may galak akong nadarama sa iyong pagdating, hindi pa rin kita mabigyan ng puwang sa aking puso't isipan...
Mahal kong SECOND SEM, please lang. Wag ka munang dumating.